Nuffnang Ads

Sunday, December 16, 2012

Maria, Ina Ng Buhay




Nitong mga nakaraang araw, gusto ko sanang mag-blog tungkol sa Simbang Gabi o sa nalalapit na Pasko ngunit napagtanto kong unahing i-blog ang Birheng Maria, Ina ng Buhay, ang mismong patron ng aming parokya dito sa Quezon City. Mismong ang dating Archbishop ng Manila na si Jaime Cardinal Sin ang nagbigay ng pangalang ito sa aming parokya na hango sa nag-iisang Mother of Life, the Notre Dame de Vie in Venesque, near Avignon, France.  Dahil dito ang aming parokyang Ina ng Buhay ang siyang pangalawang lugar ng Mother of Life sa buong mundo at pinakauna sa buong Asia.    

Ngayong araw na ito ay magkakaroon na ng 3rd at final reading sa Kongreso hinggil sa pagpapasa ng RH Bill. Naitanong ko sa aking sarili, “Bakit si Maria, hindi siya natakot o nagkaroon ng bahid ng pag-aalinlangan sa pagtalima upang sundin ang kalooban ng Diyos?” Pinanindigan niyang buhayin si Hesus kahit alam niyang maaari siyang batuhin at patayin sa kanyang pagdadalantao kung sakaling walang responsableng lalaking tatayo at aako na maging asawa niya. At kung hindi niya sinunod ang kalooban ng Diyos na maging Ina ni Hesus mayroon kaya tayong Pasko na taun-taon nating ipinagdiriwang? Ang halimbawa ni Maria, Ina ng Buhay ay dapat nawang magsilbing gabay sa ating pagdesisyon kung nararapat bang ipatupad ang RH Bill.

Ang RH Bill ay hindi solusyon para matugunan ang mga pangangailangan ng mga mahihirap. Karamihan sa mga namumuno ay galing sa mga pamilyang may kaya sa buhay. At ang mga politikong nagpupumilit na ipasa ang RH Bill, kanino ba sila tumatakbo upang humingi ng boto tuwing may halalan? Ang RH Bill ay hindi solusyon upang maging responsible ang mga magulang sa kanilang mga anak. Maraming mga magulang na iisa o dadalawa lang ang anak pero irresponsible naman sa kanilang mga anak. Maraming nagsasabi na hindi dahil malaki ang ating population ang sanhi ng kahirapan sa ating bansa kundi dahil sa laganap na corruption. Hindi ganito kahirap ang ating bansa kung ang pondo sana ay totoong napupunta o naibubuhos para sa mga pangangailangan ng mga mahihirap.

Mula sa banal na kasulatan, sinasabing “Children are a gift from the Lord; they are a blessing” (Psalm 127:3). Ang ating bansa ay katangi-tanging Kristiyano sa buong Asya na ginagamit ng Panginoon upang ipalaganap ang kanyang Mabuting Balita. Ang ating dalawang Santong Filipino (San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod) ay mga misyonero na nagpahayag ng salita ng Diyos sa ibang bansa. Naalala ko pa minsan may narinig akong kuwento ng isang Filipina OFW. Araw-araw ay tinuturuan niya ng magagandang asal at kung paano magdasal ang kanyang alagang bata at dahil dito ay nakatawag pansin sa mga magulang ng bata at sa bandang huli ay  naging sanhi ng conversion ng buong pamilya na isang makapangyarihan sa isang non-Christian country. Tayong mga Filipino ay ginagamit ng Panginoon upang ipahayag o ikalat ang kanyang Mabuting Balita sa ibang bansa.

Mas gusto ng Panginoon na sundin Siya kaysa gumawa tayo ng sariling desisyon kahit inaakala nating ito ay makabubuti. Kaya nagalit ang Panginoong Diyos kay Haring Saul nang sinuway niya ang instructions sa kanya sa pamamagitan ni Samuel at gumawa siya ng sarili niyang desisyon na inaakala niya noon ay makabubuti.  (1 Samuel 13:13  and 1 Samuel 15:12)

Sana tularan ng ating mga mambabatas o ng mga medical workers ng ating bansa ang naging attitude ng mga midwives na naa-assign at inatasan ng Egyptian King na patayin ang mga sanggol na isinisilang lalo na kung ito ay lalaki. Dahil may takot sila sa Diyos hindi nila sinunod ang kautusan ng Hari kung kaya’t sa bandang huli ay nabuhay si Moses (Exodus 1:15-21). Kagaya ni Maria Ina ng Buhay ay panindigan din sana nila ang buhay.

Kung sakaling maisabatas na ang RH Bill maaaring ang paggamit ng contraceptives ay maituro na sa mga mababa at mataas na paaralan. Ang aking pangamba bilang isang ama ay kung isang araw sa pag-uwi ng anak kong dalagita na ay makita kong may condom siya o anumang contraceptives at sisitahin ko siya kung bakit meron siya nito ay maaaring sagutin niya ako ng: "Kaysa naman mabuntis ako, 'no?...." Nasaan na ngayon ang moralidad dito?

Maria, Ina ng Buhay, ipanalangin Mo po kami....

For our Bible Quiz, Can you name the two midwives asked by the king of Egypt to kill the babies and not let them live?     (Exodus 1:15)













No comments:

Post a Comment